SOUTH COTABATO, Philippines – Isang adult Philippine serpent eagle ang nasagip ng isang residente sa Barangay Lamhaku, T’boli, South Cotabato, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Soccsksargen.
Ipinost ng residente sa social media noong Biyernes ang kalagayan ng agila matapos itong makitang hirap lumipad at kumain.
Agad itong kinuha ng DENR Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Banga noong Sabado at dinala sa Regional Wildlife Rescue Center XII.
“Upon verification, the retrieval response team immediately deployed to safely secure the raptor before transporting it to the Regional Wildlife Rescue Center XII. The eagle is currently undergoing veterinary examination and rehabilitation to assess its physical health for eventual release back into its natural habitat,” ayon sa DENR Soccsksargen.
Sumasailalim ngayon ang agila sa veterinary examination at rehabilitation upang matukoy ang kondisyon nito at maihanda para sa posibleng pagbabalik sa natural nitong tirahan.
Nagpaalala ang DENR na ipinagbabawal ang pag-aalaga o pag-iingat ng wildlife bilang alagang hayop sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, maliban kung may kaukulang permit.
Hinimok din ang publiko na agad ireport sa pinakamalapit na DENR office o local government unit ang anumang hayop na ligaw, sugatan o nasa labas ng natural nitong tirahan upang mabigyan ito ng tamang pangangalaga.
Ang Philippine serpent eagle ay endemic sa Pilipinas at karaniwang nakikita sa mga kagubatan. Pangunahing kinakain nito ang mga ahas at butiki. RNT/MDS