NAVOTAS CITY, Philippines – Arestado ang itinuturing na No. 1 Most Wanted Person ((MWP) na may kaso ng pagpatay sa naganap na pagtugis ng pulisya kahapon ng umaga sa Navotas City.
Batay sa report na nakalap sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ang 34-anyos na akusado ay nakatala bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person sa Navotas City Police Station.
Ikinasa ng mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela ang manhunt operation laban sa akusado hanggang makorner ito dakong alas-10:40 ng umaga sa Bangus St., Brgy., NBBS Kaunlaran.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 287, Navotas City, noong January 30, 2024 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Ang akusado ay pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility Unit ng Navotas City Police Station habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail. (Merly Duero)