MANILA, Philippines – TINIYAK ng Malakanyang kay Vice President Sara Duterte na hindi gagamitin ang Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng administrasyong Marcos para saktan siya o ang kanyang mga kaalydao sa kabila ng pagiging pangunahing kaaway sa politika nito.
Ipinagtanggol ng Presidential Communications Office (PCO) ang PNP matapos magpahayag ng kanyang pangamba at pagkatakot si VP Sara para sa kanyang buhay kasunod ng pagpapalabas ng warrant of arrest para sa three counts ng grave threats na isinampa laban sa kanya.
Nag-ugat ang mga kaso sa mga pahayag ni Duterte na may inatasan umano siyang pumatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Inilabas ang warrant matapos makitaan ng probable cause ang Quezon City RTC para litisin siya. Nagdagdag din ng police personnel sa korte bilang paghahanda sa posibleng pagdating ng bise presidente, ngunit hindi siya dumating hanggang alas-6 ng gabi, araw ng Biyernes.
“Wala akong tiwala sa pulis, wala akong tiwala sa korte,” ang napaulat na winika ni VP Sara pagdating niya sa Quezon City Hall of Justice.
“We wish to remind everyone that this administration will not allow the police force to be used as a weapon in any form of violence,” ang tugon naman ng PCO, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sinabi ni Castro na tanging ang bitbit ng PNP ay ang mandato nito alinsunod sa batas, “without bias and without any political considerations, but solely for the benefit of every Filipino.”
“They remain professional in protecting the rights of all people under their care,” ayon pa sa PCO sabay sabing “The administration has full confidence in the PNP leadership and its ranks.”
Hinikayat naman ng PCO si VP Sara na idulog ang hinaing o reklamo kaugnay sa mga aksyon ng pulisya “through legal channels, rather than through baseless allegations.” KRIS JOSE