Home METRO 5 kriminal, timbog agad sa Maynila

5 kriminal, timbog agad sa Maynila

3
0

MANILA, Philippines — Iprinisinta ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang limang naarestong suspek sa magkahiwalay na krimen sa lungsod.

Sa isinagawang “Talk to the People” na ipinalabas sa kanyang Facebook page, personal na ipinakita ni Mayor Isko ang mga suspek na mabilis na nasakote ng Manila Police District (MPD) Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa pamumuno ni PLt.Col. Cicero Pura.

Sa isang insidente, apat na suspek sa carnapping ng motorsiklo sa Tondo ang naaresto sa loob lamang ng dalawang araw.

Kinilala ang mga suspek na sina John Ace Fernandez, Stevenson Carl Heresa, JR Taguinod at Niko Pabines, na sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law.

Nabatid na natagpuang naka-“chop-chop” na o kinatay na ang motorsiklo ng biktimang si Jonathan Saluib, na siyang ginagamit niya sa paghahanapbuhay.

Gayunman, tiniyak ng pamahalaang lungsod na tutulungan ang biktima na makabangon at muling magkaroon ng pagkakakitaan.

Samantala, matapos ang isang araw ay naaresto din ng mga tauhan ng MPD ang suspek na umano’y nagpanggap na barangay official at nangholdap sa isang barista sa Sampaloc.

Kinilala ang suspek na si Rolando Cabigting, alyas “Lupin,” na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nabawi rin at naibalik sa biktimang si Christine Mapilot, taga-Pasay na dumayo sa Maynila para magtrabaho, ang kanyang cellphone.

Sa harap ng mga insidente, muling nagbabala si Mayor Isko sa mga tinawag niyang “tolongges” o mga taong nagbabalak gumawa ng krimen sa Maynila.

“Huwag na ninyong subukan dito,” ang mensahe ng alkalde, kasabay ng pagtitiyak na agad silang hahabulin, aarestuhin at pananagutin sa batas.

Iginiit din ni Yorme na hindi lamang mga Manileño ang protektado sa lungsod dahil kasama umano sa pangangalaga ang lahat ng taong pumupunta sa Maynila upang magtrabaho, maghanapbuhay at mamuhay. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here