Home NATIONWIDE Lisensya ng driver ng SUV ni Torre, binawi ng LTO

Lisensya ng driver ng SUV ni Torre, binawi ng LTO

2
0

MANILA, Philippines — Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver ng pribadong sports utility vehicle (SUV) na pag-aari ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III dahil sa paulit-ulit na paglabag at paggamit ng hindi awtorisadong plaka at markings.

Ayon sa LTO, lumitaw sa imbestigasyon na sangkot ang parehong driver sa dalawang insidente gamit ang naturang sasakyan, dahilan upang ideklara itong “Improper Person to Operate a Motor Vehicle” at tuluyang bawiin ang kanyang lisensya.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos kumalat ang video ng SUV na may MMDA markings, body number, siren at blinker habang gumagamit ng EDSA Busway.

Sa beripikasyon ng LTO, pribadong sasakyan ang SUV at ang plakang nakakabit dito ay nakatalaga sa ibang sasakyan—isang truck na kabilang sa inventory ng MMDA.

Nauna nang naglabas ang LTO ng show cause order laban sa driver noong Agosto 28 at laban naman sa registered owner noong Agosto 29 matapos lumitaw ang isa pang insidente habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Kinumpirma na rin ni MMDA Chairman Romando Artes na pag-aari ni Torre ang sasakyan. Nauna ring nagbayad si Torre ng P14,000 na multa kaugnay ng mga paglabag kabilang ang plate tampering, unauthorized markings at pagkakabit ng blinker.

Nananatiling impounded sa LTO Central Office sa Quezon City ang SUV at ipinag-utos na alisin ang hindi awtorisadong MMDA markings, siren at blinker.

Binigyang-diin ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na walang dapat malibre sa pagpapatupad ng batas-trapiko anuman ang ranggo o posisyon sa gobyerno. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here