Home LIFESTYLE HEALTH Leptospirosis epidemic, idineklara sa Maynila

Leptospirosis epidemic, idineklara sa Maynila

1
0
IMG_20260810_062412_014.jpg

MANILA, Philippines — Nagdeklara ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng “leptospirosis epidemic” matapos lumampas sa epidemiological threshold ang naitatalang kaso ng sakit sa lungsod.

Ayon sa Manila Health Department (MHD), umakyat sa 3.48 percent ang attack rate ng leptospirosis mula sa 1.27 percent noong nakaraang linggo, indikasyon ng mabilis na pagtaas ng mga kaso sa maikling panahon.

Iniulat ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na umabot na sa epidemic condition ang sitwasyon.

Kasabay nito, puno na umano ang ilang district hospitals ng lungsod dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga pasyente, kabilang ang Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital.

Dahil dito, iniutos ni Domagoso ang mas pinaigting na kampanya laban sa leptospirosis, kabilang ang information drive at pamamahagi ng libreng doxycycline sa 44 health centers at pitong district hospitals ng lungsod.

Tututukan din ng city government at mga barangay ang mga residenteng nalantad sa baha kasunod ng mga nagdaang pag-ulan.

Ang leptospirosis ay maaaring makuha sa tubig o lupa na kontaminado ng ihi ng infected na hayop, partikular ng daga, at mas tumataas ang panganib kasunod ng pagbaha.

Pinapayuhan ang mga nalusong sa baha na magpakonsulta sa health center o doktor upang masuri kung kinakailangan ang post-exposure medication at agad magpatingin sakaling makaranas ng mga sintomas gaya ng lagnat, pananakit ng katawan at pamumula o paninilaw ng mata. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here