Home NATIONWIDE Romualdez, ihihirit na mailipat sa ospital sa Crame – Remulla

Romualdez, ihihirit na mailipat sa ospital sa Crame – Remulla

2
0

MANILA, Philippines — Hihilingin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Sandiganbayan na ilipat si dating House Speaker Martin Romualdez mula Cardinal Santos Medical Center patungo sa Philippine National Police General Hospital (PNPGH) sa Camp Crame.

Inihayag ito ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa press briefing nitong Martes, Setyembre 8, isang araw matapos isilbi kay Romualdez ang arrest warrant kaugnay ng P7.4-bilyong plunder case na kinakaharap nito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP si Romualdez habang naka-confine sa pribadong ospital sa San Juan City.

(c) Danny Querubin

Ayon kay Remulla, nais ng DILG na sa PNPGH ipagpatuloy ang kinakailangang medical treatment ni Romualdez habang nananatili itong nasa kustodiya ng pamahalaan. Ang paglipat ay mangangailangan ng pahintulot ng Sandiganbayan.

Ibinunyag din ni Remulla na nagkaroon umano ng stroke si Romualdez noong Hulyo. Nauna nang sinabi ng DILG na nakaranas ang dating Speaker ng cardiovascular event, unstable blood pressure at anxiety attack bago siya ma-confine nitong Lunes.

Naghain naman ang kampo ni Romualdez ng mosyon sa Sandiganbayan na payagan siyang manatili sa Cardinal Santos Medical Center hangga’t kinakailangan ang inpatient treatment.

Nahaharap si Romualdez at tatlo pang akusado sa plunder case kaugnay ng umano’y P7.4-bilyong kickback scheme sa mga proyekto ng gobyerno. Itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon at iginiit ng kanyang kampo na haharapin niya ang kaso alinsunod sa due process. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here