Home METRO P630K ‘kush’ nasamsam sa Taguig

P630K ‘kush’ nasamsam sa Taguig

3
0

TAGUIG – Isang 24-anyos na babaeng call center agent ang dinakip ng mga tauhan ng Taguig City police Sub-Station 4 matapos umano itong bumalik sa concierge ng isang establisimiyento upang kunin ang isang kahon na naglalaman ng 420 gramo ng hinihinalang marijuana Kush madaling araw ng Lunes, Setyembre 7.

Kinilala ng Taguig City police ang inarestong suspek na si alyas April, isang high value individual (HVI), residente ng Barangay North Signal, Taguig City.

Base sa report ng Taguig City police, dakong ala 1:15 ng madaling araw ng Lunes ng madakip ang suspek sa concierge section ng isang establisimiyento sa Barangay Ususan, Taguig City.

Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas-11:30 ng gabi noong Setyembre 6, nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya ang isang K9 handler at ang kanyang K9 partner sa establisimiyento nang magbigay ng indikasyon ang aso na posibleng may presensya ng ilegal na droga malapit sa concierge area.

Agad na rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Sub-Station 4 ng Taguig City Police Station, kasama ang augmentation personnel mula sa District Mobile Force Battalion (DMFB), matapos humingi ng tulong sa pulisya ang mga tauhan ng establisimyento.

Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga pulis ang isang kahon na iniwang walang nag-aangkin sa ilalim ng concierge counter kung saan nakita sa loob nito ang hinihinalang marijuana Kush.

Nakipag-ugnayan ang mga rumespondeng pulis sa CCTV operator ng establisimyento upang suriin ang mga kuha ng CCTV at matukoy ang taong nag-iwan ng pakete.

Matapos makumpirma sa pamamagitan ng CCTV footage ang taong nag-iwan ng pakete ay naghintay ang mga operatiba sa pagbalik nito at nang bumalik ang suspek sa concierge area at hinanap ang kahon na dati niyang iniwan ay agad siyang inaresto ng mga rumespondeng pulis.

Narekober mula sa kanyang pag-iingat ang tinatayang 420 gramo ng hinihinalang marijuana Kush na nagkakahalaga ng ₱630,000 kasama ang apat na kahon ng Kraft Mac & Cheese at isang box container.

Dinala ang naarestong suspek sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City Police Station para sa paghahanda ng mga kaukulang dokumento at pagsasampa ng nararapat na reklamo.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Taguig City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here