QUEZON CITY, Philippines – Lumampas na sa epidemic threshold ang kaso ng leptospirosis sa Quezon City matapos ang matinding pag-ulan at pagbaha.
Ayon kay Dr. Rolly Cruz ng City Epidemiology and Surveillance Division, 47 bagong kaso ang naitala mula Setyembre 4 hanggang 7, kaya umabot na sa 738 kaso ang kabuuang bilang ngayong taon. Mas mataas ito ng 29% kumpara sa kaparehong panahon noong 2025, habang 47 katao na ang namatay.
“Sa Quezon City, as of week 32 to present, above epidemic threshold na tayo,” ani Cruz.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa District 2, partikular sa Barangays Commonwealth at Batasan, at sa Tatalon sa District 4. Ang leptospirosis ay nakukuha mula sa bacteria sa ihi ng daga na maaaring pumasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat o mucous membranes.
Sinabi ni Cruz na nasa “tail end” na umano ng mataas na kaso ang lungsod, na may average na 16 bagong kaso kada araw. Patuloy namang tutukuyin ng lungsod ang mga posibleng nahawaan, lalo na’t lumampas na ang 72-oras na panahon para sa prophylaxis.
Pinapayuhan ang publiko na iwasang lumusong sa baha at agad magpakonsulta kapag nakaranas ng sintomas matapos ma-expose sa baha, lalo na habang nagpapatuloy ang habagat. RNT/MDS