Home ENTERTAINMENT 25TH Gawad Amerika Awards, magpupugay sa huling kabanata!

25TH Gawad Amerika Awards, magpupugay sa huling kabanata!

2
0
Screenshot

California, USA – Matapos ang 25 taon ng pagkilala sa mga natatanging Pilipino na nagbigay ng malaking ambag sa bansa at naging inspirasyon sa mga komunidad sa iba’t ibang panig ng mundo, nakatakdang isulat ng Gawad Amerika Awards ang huling kabanata nito ngayong 2026.

Sa pangunguna ni Gawad Amerika President and Chairman Charles Simbulan, bibigyang-diin ng prestihiyosong awarding program ang 25 taong pamana nito sa pamamagitan ng temang “Pagpupugay sa Pag-unlad ng Pilipinas, Pambansang Kaunlaran at Pamana ng Administrasyong Marcos.”

Sa loob ng isang-kapat na siglo, naging mahalagang plataporma ang Gawad Amerika sa pagbibigay-parangal sa mga natatanging Pilipino mula sa gobyerno, pulitika, showbiz, negosyo at iba’t ibang sektor ng lipunan.

Kabilang sa mga naging awardee nito ang mga respetadong personalidad at lingkod-bayan gaya nina dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr., dating Senador Lito Lapid, dating Mayor Lito Atienza, PAO Chief Persida Acosta, dating Manila Mayor Isko Moreno, aktor at dating Congressman Alfred Vargas, Bulacan Governor Daniel Fernando, Senador Raffy Tulfo, German Moreno, Boy Abunda at Emma Cordero, bukod pa sa marami pang iba.

Para sa ika-25 at huling edisyon nito, dalawang malaking pagkilala ang igagawad ng Gawad Amerika.

Tatanggap si dating Presidential Adviser Ronald Llamas ng Lifetime Achievement Award for Political Leadership and Public Affairs, bilang pagkilala sa kanyang mahaba at makabuluhang kontribusyon sa larangan ng pulitika at pampublikong usapin sa bansa.

Samantala, pararangalan naman si Usec. Claire Castro ng Global Excellence in Government Communication Award, bilang pagkilala sa kanyang papel sa pampublikong komunikasyon at pagpapalaganap ng impormasyon mula sa pamahalaan.

Gaganapin ang 25th Gawad Amerika Awards: “The Final Chapter” sa Leows Hotel sa Nobyembre 21, 2026.

Ngunit hindi rito magtatapos ang selebrasyon.

Susundan ito ng isang Thanksgiving Get-Together Party and Recognition sa Manila sa Disyembre 2026, kung saan pararangalan ang Top 20 Movers and Shakers of Philippine Politics and the Entertainment Industry.

Ito ang magsisilbing opisyal na closing celebration ng Gawad Amerika, bilang huling pagpupugay sa mga personalidad at institusyong naging bahagi ng kasaysayan at humubog sa mundo ng pulitika, showbiz at lipunang Pilipino sa nakalipas na 25 taon.

Matapos ang isang-kapat na siglo ng pagkilala sa husay at tagumpay ng mga Pilipino, magsasara man ang kabanata ng Gawad Amerika, mananatili naman ang isang pamana na hindi basta-basta mabubura ng panahon. JP Ignacio

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here