MANILA, Philippines – Naghain ng not guilty plea si Marikina City 1st District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro nitong Martes, Setyembre 8, sa Regional Trial Court (RTC) Branch 272 sa Marikina City kaugnay ng apat na bilang ng kasong Sexual Assault.
Personal na humarap ang mambabatas sa ginanap na arraignment at pre-trial conference sa sala ni Presiding Judge Deogracias M. Natividad sa Marikina Justice Hall, ayon sa kanyang legal counsel na si Atty. Alma Mallonga.
Matapos ang pagdinig, kinumpirma ni Mallonga ang naging takbo ng hearing at iginiit na walang kasalanan ang solon.
“So… we can just send a report on the status of the case, which is that… this afternoon, the court conducted arraignment and pre-trial. ‘Yun lang, ‘no? So… among the pre-trial matters is the setting of the dates. So… the trial will be pushing through,” pahayag ni Mallonga sa ginanap na ambush interview.
Nang tanungin ukol sa plea at sa mismong paratang laban kay Teodoro, pormal na itinanggi ng legal counsel ang mga akusasyon.
“Of course, of course… and I can safely say that, of course, he did not do it,” diin pa ni Mallonga.
Binigyang-diin din ng abogada na handang sumunod ang mambabatas sa buong legal process ng korte habang nakatakda ang panimula ng trial ngayong buwan.
“So, all we can say is that Congressman Teodoro will abide by the process and we trust in that process. Further than that, siguro… let the process… um, you know, follow itself,” dagdag ng abogado, habang binanggit na inaasahang magsisimula ang pagdinig ng kaso ngayong huling bahagi ng Setyembre.
Matatandaang nag-ugat ang mga kaso sa reklamo ng dalawang babaeng pulis na dating itinalaga bilang close-in security ni Teodoro.
Magugunitang isinampa ng Department of Justice (DOJ) ang naturang kaso sa korte matapos makakita ng sapat na batayan o probable cause laban sa mambabatas. Maritess Pumaras