MANILA, Philippines – Arestado ng Philippine Coast Guard o PCG ang dalawang mangingisda na sinasabing illegal na nanghuhuli ng isda gamit ang compressor sa dagat na sakop ng Barangay Danao, Cajidiocan, Romblon.
Natiyempuhan ng Search and Rescue o SAR Team ng Coast Guard Sub-Station o CGSS Cajidiocan ang kahina-hinalang motorbanca habang pabalik na sila sa kanilang sub-station matapos maghanap ng mga nawalang mangingisda sa kabila ng hindi magandang lagay ng panahon.
Nilapitan ng team ang bangka at nakita ang dalawang mangingisda, kapwa residente ng Barangay Cambalo sa Cajidiocan, na sinasabing gumagamit ng compressor habang nasa ilalim ng tubig para manghuli ng isda.
Ayon sa PCG, lumabag sa Municipal Ordinance No. 03-11, Section 67, o ang Comprehensive Fishery Ordinance ng Cajidiocan ang mga mangingisda.
Nakumpiska sa operasyon ang motorized fishing boat at makina, compressor engine, aluminum air tank compressor, isang pares ng flippers, mga speargun, humigit-kumulang 100 metro ng hose, 15 kilo ng iba’t ibang isda, goggles at flashlight.
Nasa pansamantalang pangangalaga na ng Coast Guard ang mga mangingisda, habang maayos na naisecure ang mga nakumpiskang gamit.
Sinabi ng PCG na ituturn-over ang bangka at iba pang nakumpiskang gamit sa Cajidiocan Municipal Agriculture Office para sa nararapat na aksyong administratibo. Jocelyn Tabangcura-Domenden