MANILA, Philippines – Iginiit ni Vice President Sara Duterte na dapat iwasan ng mga opisyal ng pamahalaan ang pakikipag-away sa ibang bansa, kabilang ang China, sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pakikipagpulong sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong noong Linggo, Nobyembre 8, sinabi ni Duterte na mas makabubuting idaan sa diplomatikong pag-uusap ang alitan sa halip na makipagsagutan sa social media.
“Alam ninyo dapat kasi hindi nakikipag-away ang gobyerno o ang opisyal ng gobyerno sa kahit na anong bansa dahil napaka-complicated ng relasyon ng dalawang bansa,” ani Duterte sa video mula sa Office of the Vice President na iniulat ng GMA News.
Iminungkahi rin niyang bumuo ng grupo ng mga diplomat na mangunguna sa pakikipagnegosasyon sa China.
Binigyang-diin ng Bise Presidente na dapat isaalang-alang ang pambansang interes, kabilang ang kabuhayan ng mga Pilipinong nagtatrabaho at nagnenegosyo sa China.
Gayunman, kinontra ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela ang pahayag ni Duterte.
“Mam Sara, itigil na po natin ang pag-iisip na tayo ang troublemaker! Hindi po tayo ang nang-aaway!” ani Tarriela sa kanyang social media post.
Ayon kay Tarriela, ang China ang gumagamit ng water cannon at nagsasagawa ng mapanganib na pagmamaniobra laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Iginiit niyang pinoprotektahan lamang ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga mangingisdang Pilipino sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Dagdag pa niya, matagal nang nakikipag-usap ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa China, ngunit hindi umano tumutupad ang Beijing sa mga napagkakasunduan.
Binigyang-diin din ni Tarriela na hindi nangangahulugang makikipagdigma ang Pilipinas upang ipaglaban ang karapatan nito sa karagatan.
Samantala, sa hiwalay na pahayag noong Nobyembre 8, pinaalalahanan ng DFA ang mga opisyal ng pamahalaan na umayon sa direksyon ng foreign policy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa DFA, kailangang malinaw na maihiwalay ang pagdodokumento ng mga insidente, pampublikong pahayag at opisyal na komunikasyong diplomatiko upang hindi maapektuhan ang posisyon ng Pilipinas sa pakikipagnegosasyon.
Hindi pinangalanan ng DFA ang mga opisyal na tinutukoy nito.
Sa ilalim ng 2016 arbitral ruling, walang legal na batayan ang malawak na pag-angkin ng China sa mga karagatang saklaw ng tinatawag nitong nine-dash line. Patuloy namang tinatanggihan ng Beijing ang naturang desisyon. Dave Medina