MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ceremonial oath-taking ni Supreme Court Chief Justice Rodil Zalameda sa Malacañang nitong Lunes, Nobyembre 9.
Si Zalameda ang ika-28 Chief Justice ng Pilipinas, kapalit ni Alexander Gesmundo na nagretiro noong Nobyembre 6 matapos umabot sa mandatory retirement age na 70.
Una nang nanumpa si Zalameda sa harap ni Senior Associate Justice Marvic Leonen sa Supreme Court noong Nobyembre 6.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), mahalagang maipagpatuloy ang mga reporma sa hudikatura, partikular ang pagbabawas ng mga nakabinbing kaso at pagpapabilis ng pagresolba sa mga ito upang mapalakas ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya.
Inaasahang ipagpapatuloy ni Zalameda ang mga repormang sinimulan ng kanyang hinalinhan, kabilang ang pagpapahusay ng serbisyo ng mga korte, pananagutan at mas mabilis na pagdinig at pagresolba sa mga kaso.
Mahigit tatlong dekada nang naglilingkod sa sistema ng hustisya si Zalameda.
Nagsimula siya bilang branch clerk ng Regional Trial Court sa Makati bago naging prosecutor at kalaunan ay city prosecutor ng Mandaluyong noong 2002.
Nagsilbi rin siyang mahistrado ng Court of Appeals sa loob ng 11 taon bago itinalaga bilang Associate Justice ng Supreme Court noong Agosto 2019 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Nobyembre 5, inanunsyo ng Malacañang ang paghirang kay Zalameda, na kabilang sa limang nominadong isinumite ng Judicial and Bar Council para sa pinakamataas na posisyon sa hudikatura. RNT