Home NATIONWIDE QC jail warden, binawi pahayag sa 24/7 bantay ni Romualdez

QC jail warden, binawi pahayag sa 24/7 bantay ni Romualdez

5
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng warden ng New Quezon City Jail na hindi 24 oras na nananatili sa loob ng kulungan ang personal assistant ni dating House Speaker Martin Romualdez, taliwas sa una niyang pahayag sa Sandiganbayan.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division nitong Lunes, Nobyembre 9, sinabi ni Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion na pinapayagan lamang makapasok si Arvin de Guzman, personal aide ni Romualdez, sa regular na visiting hours mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Ipinaliwanag ni Pacion na kabilang si De Guzman sa opisyal na listahan ng mga bisita ng pasilidad. Gayunman, nananatili umano itong naka-on call anumang oras upang tumugon sa mga pangangailangan ni Romualdez.

Humingi rin ng paumanhin si Pacion sa Sandiganbayan matapos nitong linawin ang nauna niyang testimonya na pinapayagan ang aide na manatili sa tabi ng dating lider ng Kamara nang 24 oras.

“Sorry, Your Honor, siguro nataranta lang po ako, Your Honor, pasensiya na po,” ani Pacion sa pagdinig, ayon sa GMA News.

Samantala, kinumpirma ng abogado ni Romualdez na si Judd Roy na hiniling ng kanilang legal team sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na payagang tumulong si De Guzman sa dating Speaker.

Paliwanag ni Roy, matagal nang nagtatrabaho kay Romualdez si De Guzman at pamilyar sa mga gamot at iba pang pangangailangang medikal nito.

Nagsagawa ng pagdinig ang Sandiganbayan upang tiyakin ang kalagayan at kustodiya ni Romualdez kasunod ng alegasyong nakalalabas umano ito ng kulungan gamit ang ambulansya.

Binawi na ng kolumnistang si Ramon Tulfo ang naturang alegasyon matapos amining mali ang impormasyong kanyang natanggap.

Nauna nang inatasan ng Sandiganbayan ang BJMP na magsumite ng detalyadong ulat, kabilang ang CCTV recordings, talaan ng mga bisita at paggalaw ng mga sasakyan sa pasilidad.

Nahaharap si Romualdez at tatlong iba pa sa kasong plunder kaugnay ng umano’y ₱7.4 bilyong kickback scheme sa mga flood control project. Itinanggi ni Romualdez ang pagkakasangkot sa katiwalian at naghain ng not guilty plea sa kaso. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here