MANILA, Philippines – Inanunsyo ng prosecution panel nitong Martes na hindi na nila ipapatawag ang 15 natitirang testigo sa kabuuang 27 na orihinal na nakalista para sa Article I na tumatalakay sa maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, sa halip na ang 15 testigo, si Vice President Duterte na mismo ang kanilang ipapaharap sa impeachment court.
“In lieu of presenting 15 other witnesses, we will be presenting the Vice President herself,” pahayag ni Kapunan.
Sinabi ni Kapunan na ang desisyon ay nabuo matapos ang mahabang pagpupulong ng mga public at private prosecutor mula Lunes ng gabi hanggang bago magsimula ang pagdinig nitong Martes. Kasama sa mga hindi na ipapatawag sina Police Major Jovelyn Magay, Sunshine Fajarda at Bresilio Sabaldan na dapat sanang humarap that day.
Dahil dito, idineklara na rin ng prosekusyon na magre-rest na sila sa Article I.
Ipinaliwanag ni Kapunan na ang mga naunang ebidensya at dokumento na iniharap na sa korte ay itinuturo lang sa iisang tao na dapat sumagot.
“And this is why all of these pawns and castles and horses and bishops point to only one person, and that accountable person is the Vice President,” sabi niya, gamit ang chess bilang paghahambing kung saan itinuring niyang “queen” si Duterte.
Ginamit niyang halimbawa ang mga testigo mula sa Land Bank.
Aniya, napatunayan na nila na may confidential funds at na-withdraw ito. Sa kabuuan, 10 na testigo na ang humarap sa 27 na plano. Dalawa pa ang napagkasunduang hindi na kailangan personal na humarap dahil may stipulation na.
Ayon kay Kapunan, hindi lang sa confidential funds nanakatakda sa Article I mahalaga ang testimonyo ni Duterte.
“Maaari rin itong tumalakay sa iba pang artikulo tulad ng grave threats sa Article IV, unexplained wealth sa Article II, at bribery sa Article III. Ang unexplained wealth at bribery ang dalawa pang artikulong hindi pa naipresenta ng prosekusyon,” ayon kay Kapunan.
Hinimok din ni Kapunan si Duterte na humarap, igalang ang proseso ng impeachment at patunayan ang kanyang pagiging inosente. Hiniling din niya sa mga senator-judge na maging politically neutral at walang kinikilingan sa pagdinig ng mga ebidensya.
Nilinaw ni Kapunan na hindi pa sila humihingi ng subpoena sa ngayon. Ire-reserve muna nila ang pagharap ni Duterte sa dulo, matapos maipresenta ang lahat ng apat na artikulo.
“At the end of all of these articles, we reserve the right to present the Vice President herself,” aniya. “Not at this point, Your Honor, but this will be done at the end of the presentation of the four articles.”
Sa pagtatapos, sinabi ni Kapunan na wala na silang karagdagang pagdinig para sa Article I at nagpasalamat sa mga testigo na dumalo kahit umuulan. Ernie Reyes