MANILA, Philippines – TINIYAK ng Malakanyang sa publiko na pinaiigting ng gobyerno ang pagtugon sa posibleng epekto ng El Niño phenomenon.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, na mahigpit na nakamonitor ang gobyerno sa kondisyon ng El Niño partkular na ang potensiyal na epekto nito sa agrikultura, water resources at iba pang mahalagang sektor.
Kinilala naman ni Castro na habang ang El Niño ay isang natural climate phenomenon, ang epekto nito ay maaaring mas maging matindi dahil sa climate change.
“Sa nararamdaman po nating climate change at kailangang pag-aralan din po dahil sa climate change kung ano ba ang maaari pang maging matinding idudulot ng El Niño maliban sa ito ay nagiging normal naman talaga, normal na nararamdaman natin,” anito.
“Pero dahil sa climate change, baka mas matindi ang maramdaman at magiging epekto ng El Niño,” aniya pa rin.
Tinuran pa ni Castro na muling pinagana ng Department of Agriculture ang El Niño Task Force para tumugon sa phenomenon.
Sinabi pa nito na ang kondisyon ng panahon ay iba’t iba sa iba’t ibang bahagi ng bansa, may ilang nakararanas ng matinding pag-ulan habang ang iba naman ay nahaharap sa dry conditions.
“Kinakailangan po talaga ng sapat na pagpiprepara, kaya ito po ay minu-monitor, patuloy po na monitoring ng El Niño conditions at ang pagprotekta lalung-lalo na sa ating mga magsasaka at, kumbaga, sa ating mga agricultural products na talagang maaapektuhan ng El Niño,” ang winika pa ni Castro.
Tinatrabaho rin ani Castro ng gobyerno ang pangangasiwa sa irigasyon at water resources, na may National Irrigation Administration (NIA) naghahanda na tulungan ang mga magsasaka na makayanan ang nagbabagong kondisyon ng panahon.
Aniya, ang mga magsasaka ay binigyan ng gabay pagdating sa crop selection at timing ng pagtatanim at pag-aani para magamit ang epekto ng extreme weather sa agricultural production.
“Inaalam po nila [NIA] at binigyan po nila ng aral or lessons, techniques ang ating mga magsasaka kung ano ba ‘yung mga dapat na itanim kapag malakas ang ulan o kailan dapat sila umani para hindi naaapektuhan ang kanilang mga ani ng bagyo. So, dapat may mga produkto rin po na dapat na maitanim kahit na tag-ulan,” ang sinabi ni Castro. KRIS JOSE