MANILA, Philippines – Inaasahang babagsak ng 8.7% ang vehicle sales sa Pilipinas ngayong 2026 dahil sa epekto ng tensyon sa giyera, mataas na interest rates at mabagal na paglago ng ekonomiya, ayon sa BMI ng Fitch Solutions.
Tinatayang aabot lamang sa 423,750 units ang mabebentang sasakyan ngayong taon, mas mababa sa 464,216 units na naitala noong 2025.
Kung mangyayari ito, magiging unang annual contraction ito ng automotive market mula nang sumiklab ang COVID-19 pandemic noong 2020, kung kailan bumagsak ng 39.5% ang vehicle sales.
Mawawala rin ang tatlong magkakasunod na taon ng record-high sales mula 2023.
Ayon sa BMI, kabilang sa dahilan ng paghina ang epekto ng US-Iran conflict, na nagpasiklab sa presyo ng enerhiya, nagdagdag sa inflation at nagpahina sa consumer sentiment.
Inaasahan ng BMI na lalago lamang ng 3.3% ang ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon, mula 4.4% noong 2025. Samantala, inaasahang aakyat sa 5.7% ang average inflation mula 1.7%.
Dagdag pa rito, maaaring makaapekto sa vehicle sales ang mataas na interest rates dahil nasa 70% ng mga bumibili ng sasakyan ay gumagamit ng auto loans. Dahil nasa 5% ang policy rate, maaaring ipagpaliban ng ilang consumer ang pagbili o pumili ng mas murang modelo dahil sa mas mataas na buwanang bayarin.
Bagama’t maaaring makatulong ang mas abot-kayang Chinese vehicle brands, sinabi ng BMI na malilimitahan ito ng mahirap na financing conditions.
Maaari ring maapektuhan ang demand sa mga pickup, truck at iba pang sasakyang ginagamit sa construction dahil inaasahang liliit ng 0.6% ang construction sector ngayong taon.
Gayunman, pansamantala lamang umano ang pagbaba. Inaasahan ng BMI na babalik sa paglago ang vehicle sales sa 2027, na tataas ng 6.6% sa 451,717 units habang gumaganda ang economic conditions.
Inaasahang lalago pa ang sales ng 6% sa 2028, 5.5% sa 2029 at 4.9% sa 2030, na magdadala sa annual vehicle sales sa tinatayang 529,836 units pagsapit ng pagtatapos ng dekada. RNT/JGC