Home NATIONWIDE PTFOMS, PDEA lumagda ng kasunduan para sa proteksyon ng mga manggagawa sa...

PTFOMS, PDEA lumagda ng kasunduan para sa proteksyon ng mga manggagawa sa media

1
0

MANILA, Philippines – Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang higit na mapalakas ang kaligtasan at seguridad ng mga manggagawa sa media na nagsisilbing insulating witnesses sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Sa ilalim ng MOA na nilagdaan nitong nakaraang nitong Martes, Setyembre 8, magsasagawa ang PTFOMS at PDEA ng mga hakbang upang protektahan ang mga manggagawa sa media na nagsisilbing insulating witnesses alinsunod sa Section 21 ng R.A. No. 9165, at pangalagaan sila laban sa posibleng paghihiganti ng mga akusado sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez ang katapangan ng mga miyembro ng media na gumaganap sa ganitong tungkulin, at sinabing sila ay “nararapat lamang na makatanggap ng buong suporta mula sa institusyon.”

Tiniyak din ni Nerez sa media ang pangako ng PDEA sa “tapat at tuloy-tuloy na pagpapatupad” ng kasunduan, na binibigyang-diin ang kalayaan sa pamamahayag, pananagutan sa publiko, at kaligtasan ng lahat ng manggagawa sa media.

Ang PDEA, na itinatag sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165, ang pangunahing ahensiya na nagpapatupad ng mga batas ng Pilipinas laban sa ilegal na droga.

“Pinatitibay natin ang isang partnership na kumikilala sa isang mahalagang katotohanan: ang proteksiyon sa mga mamamahayag at manggagawa sa media ay pananagutan nating lahat,” pahayag ni Undersecretary Jose A. Torres Jr., Executive Director ng PTFOMS.

Binigyang-diin ni Usec Torres ang dedikasyon ng administrasyon na panatilihin ang kalayaan sa pamamahayag habang tinitiyak na magagawa ng mga mamamahayag ang kanilang mahahalagang tungkulin nang walang pangamba.

“Ang seguridad ng media at kalayaan sa pamamahayag ay hindi magkasalungat na layunin. Magkaugnay ang mga ito,” ani Torres.

Hindi tulad ng mga ordinaryong saksi, may partikular na tungkulin ang mga insulating witness na obserbahan at patotohanan ang ilang proseso ng mga law-enforcement agency sa mga operasyon laban sa ilegal na droga. Tinitiyak ng kasunduan na ang mga manggagawa sa media na gumaganap sa ganitong kapasidad ay makatatanggap ng angkop na proteksiyon at suporta.

Nakasaad sa kasunduan ang ilang mahahalagang hakbang, kabilang ang case-referral at investigation system upang mabilis na matugunan ang mga banta laban sa mga manggagawa sa media, gayundin ang joint monitoring mechanism para sa ligtas na pagbabahagi ng impormasyon at pagsubaybay sa mga kasong kinasasangkutan ng mga tauhan ng media.

Kabilang din sa karagdagang suporta ang pagbibigay ng protective custody, materyal na tulong, at referral para sa psychosocial services. Ibabahagi rin ng PDEA sa PTFOMS ang kanilang kaalaman at kadalubhasaan upang higit pang mapahusay ang mga safety protocol para sa mga manggagawa sa media. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here