SABI ng ating Uzi, tila may mga maniobra at nagmamadali para madeklara nang guilty si Vice President Sara Duterte sa kaso nitong impeachment.
Kabilang sa malalaking palatandaan ang naganap kamakalawa.
Isa ang biglang pagtigil ng prosekusyon na ituloy ang Article 1 na Misuse o Maling Paggamit ng Confidential Fund.
Kinambalan ito ng panawagan sa Impeachment Court na isalang nang personal mismo si VP Sara sa paglilitis.
At sa huli, ipinanawagan ang pagbaba ng minimum na boto ng senador-hukom para ma-convict ang Bise Presidente.
ARTICLE 1 ITINIGIL
Nakapagtatakang biglang itinigil ng prosekusyon ang pagprisinta nito ng lahat ng ebidensya para patunayang humantong sa bulsa o personal na pakinabang ni VP Sara ang mga confidential fund para sa Office of the Vice President at Department of Education.
Inayawan din nilang iprisinta sina Col. Raymund Lachica at Col. Dennis Nolasco na pinagbigyan ng mga pondo ng mga disbursing officer ng OVP at DepEd at makapagtuturo sana kay VP Sara na personal na nakinabang sa confidential funds.
Tanong: May hinahabol ba ang prosekusyon na panahon para tiyak na ideklarang guilty si VP Sara ng Impeachment Court o IC?
PAGSALANG KAY VP SARA SA PAGLILITIS
Sentro ng pagtigil ng prosekusyon na ipagpatuloy ang Article 1 ang panawagan nilang tawagin ng IC si VP Sara na magpakita at isalang sa paglilitis.
Ito’y para magkaalaman na umano nang madali ukol sa lahat ng katotohanan, kasama na ang Article 4 para sa Grave Threats, Article 1, Article 3 para sa Unexplained Wealth ngunit pwera ang Article 2 para sa Bribery na walang tiyak na kadahilanan.
Sabi ng prosekusyon, layon ng pagpapatawag at pagsasalang kay VP Sara sa paglilitis ang pagpapaigsi ng panahon ng impeachment at pinakamadaling pagpapalabas ng buong katotohanan kung nagkasala o hindi ito sa mga paratang.
Ngunit ano-ano ba talaga ang mga puno’t dulo ng lahat ng ito?
TAPYAS BOTO SA PAGDEKLARANG GUILTY
Kakambal ng naunang mga pangyayari ang kagyat na kahilingang ibaba ang bilang ng boto ng mga SJ mula sa 16 para sa pagdedeklara na guilty si VP Sara.
Nakabatay ang botong 16 sa tadhana ng 1987 Konstitusyon, Article 11, Section 3 (6) na nagsasabing dalawang katlo o 2/3 ng lahat ng senador ang kailangan para madeklarang guilty ang impeachable na opisyal.
Itinuturing nang 20 na lang ang gumaganang SJ mula sa 24 dahil nagtatago ang isa, nakabilanggo ang dalawa at nasa abroad at may malalang sakit ang isa.
Kung sa mga araw na ito gagawin ang botohan na 20 SJ ang nakadadalo, magiging 13 na lang ang kailangang boto bilang 2/3 o dalawang katlo ng 20 senador.
Hindi kaya ito ang hinahabol ng mga nagmamadali na paigsiin nang todo ang paglilitis?
Pero may kapangyarihan ba ang Senado na ideklarang 20 lang ang pupwedeng sumali sa botohan at hindi na kailangan pa ang Supreme Court na siyang dapat mag-interpret at magdedesisyon sa kontrobersyang ito?
Kapag bumigay ang Senado sa tulak na amyendahan ang Konstitusyon, magiging sarsuela na lang ang lahat, kasama ang inilaang paglalatag ng depensa ng lahat ebidensya nito, lubusang pananahimik at iba pa.
Tutal, pinakamahalaga sa lahat ang bilangan ng boto para sa guilty o hindi at wala nang halaga ang paghatol na nakabatay sa ebidensya.






