MANILA, Philippines — Hindi dapat makaapekto sa kaso ang personal na damdamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkakaaresto sa pinsan niyang si dating House Speaker Martin Romualdez, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na mas mahalagang pairalin ang proseso ng batas at hayaang korte ang magpasya sa kaso.
“Ang kailangan lang po dito ay dapat mapanagot ang dapat na mapanagot. Hindi na po siguro makaaapekto kung anuman ang damdamin ng Pangulo—masaya, malungkot, anuman—hindi na po siya importante,” pahayag ni Castro sa press briefing nitong Miyerkoles.
Itinanggi rin niyang “inilaglag” ng administrasyon ang dating kaalyado at miyembro ng inner circle ng Pangulo.
Ayon kay Castro, nakabatay ang ginawang pag-aresto sa ebidensiyang nakita ng Office of the Ombudsman at nananatiling neutral si Marcos sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
“So, walang dapat nilalaglag dito. Kung ano lang iyong ebidensiya na nariyan, doon lang tayo bumase,” aniya.
Kasalukuyang nagpapagamot si Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center dahil sa iniindang mga kondisyon, kabilang ang problema sa puso at mataas na presyon ng dugo.
Kasunod ng mga puna sa paraan ng pagkakaaresto, sinabi ni Castro na dapat igalang ang pagsusuri ng mga doktor kung hindi pa maaaring ilabas sa ospital ang isang akusado.
Tiniyak din niyang patuloy na binabantayan ng Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police si Romualdez habang nasa ospital. RNT