TACLOBAN CITY — Napatay ang isang sinasabing mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa limang minutong engkuwentro sa Barangay Caridad, Baybay City, Leyte noong Martes ng gabi, ayon sa Philippine Army.
Kinilala ng militar ang nasawi na si Erwin Murillo Maceda, alyas “Romnick,” na umano’y vice team leader 1 ng island committee sa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee ng NPA. Tubong Las Navas, Northern Samar ang nasawi.
Ayon sa 802nd Infantry Brigade, nagtungo ang mga sundalo sa lugar upang beripikahin ang sumbong ng isang residente hinggil sa presensiya ng mga armadong indibidwal na umano’y nangongolekta ng pera at pagkain.
Nauwi ang operasyon sa limang minutong palitan ng putok. Narekober umano ng mga sundalo ang isang M16 rifle sa pinangyarihan.
Sinabi ni Brig. Gen. Pompeyo Jason Almagro, commander ng 802nd Infantry Brigade, na iniuugnay umano si Maceda at ang kanyang grupo sa pangingikil, pagbabanta sa mga residente at negosyante, at pag-atake sa mga pasilidad ng pam militar sa Leyte.
Hinikayat ng Army ang natitirang miyembro ng NPA na sumuko at samantalahin ang reintegration programs ng pam pamahalaan.
Wala pang pahayag mula sa NPA tungkol sa engkuwentro at sa pagkakakilanlan ng nasawi. Ang mga detalye ng insidente ay batay sa ulat ng Philippine Army. Mary Anne Sapico