SARIAYA, Quezon — Nasawi ang isang dalawang taong gulang na batang lalaki matapos masagasaan ng multi-purpose vehicle habang naglalaro sa isang kalsada sa Sitio Devilla, Barangay Sampaloc 2 nitong Martes ng hapon.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalaro sa kalsada ang bata bandang alas-2:30 ng hapon nang mahagip siya ng minamanehong MPV ng 21-anyos na lalaki.
Sa halip na huminto, nagpatuloy umano sa pagmamaneho ang drayber.
Nasaksihan ng 18-anyos na kapatid ng biktima ang insidente at agad itong ipinaalam sa kanilang ina, na isinugod ang bata sa ospital.
Sinundan naman ng kapatid ang sasakyan at humingi ng tulong sa isang opisyal ng barangay. Nakipag-ugnayan ito sa pulisya, na kalauna’y umaresto sa drayber.
Matapos ang isang oras na pagtatangkang buhayin ang biktima, idineklara siyang patay ng doktor.
Nahaharap ang drayber sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. Mary Anne Sapico