MANILA, Philippines — Nilinaw ni senator-judge Erwin Tulfo na hindi niya layuning pababain ang constitutional threshold para mahatulan si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Sa isang chance interview, sinabi ni Tulfo na nais lamang niyang malaman kung isasama pa rin sa batayan ng pagbilang ang mga senator-judge na hindi makadadalo sa mismong botohan.
“Ang tanong actually doon, hindi naman sa sinasabi kong babaan ang threshold kasi iyong iba, tingin nila, iyon ang target. No. The target is, may mga kasama po kami na wala dito. Ang tanong ko po is, kasama po ba sila sa bibilangin?” ani Tulfo.
Naging mahalaga aniya ang usapin dahil posibleng may mga senator-judge na nasa ibang bansa, naka-leave, nagtatago o nasa kustodiya sa araw ng botohan.
Sa impeachment trial noong Martes, itinanong ni Tulfo kung ang two-thirds vote ng “all the Members of the Senate” na nakasaad sa Konstitusyon ay dapat ibatay sa buong 24 na senador o sa aktuwal na bilang ng mga senator-judge na makaboboto.
Kung pagbabatayan ang buong 24 na miyembro ng Senado, 16 na boto ang kailangan upang mahatulan ang Bise Presidente.
“Para pag-usapan na natin. Para walang sisihan. Ano ba talaga?” dagdag niya.
Nagpasya ang impeachment court na hing Kris ang opinyon ng mga amici curiae o “friends of the court” at pakinggan ang oral arguments ng prosekusyon at depensa bago bumoto sa isyu sa Setyembre 23.
Tungkol naman sa posibleng personal na pagharap ni Duterte, sinabi ni Tulfo na ang impeachment trial ang tamang venue upang sagutin ng Bise Presidente ang mga paratang.
Gayunman, nilinaw niyang hindi hindi basta maaaring pilitin si Duterte na humarap. Maaari aniyang imbitahan o padalhan ng subpoena ang Bise Presidente, ngunit dapat ding isaalang-alang ang courtesy na ibinibigay sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Bilang halimbawa, binanggit ni Tulfo na hindi pinilit na personal na humarap sa Senado si dating Pangulong Joseph Estrada sa kanyang impeachment trial. Ernie Reyes