MANILA, Philippines – Lubhang ikinababahala ni Senador Joel Villanueva ang pagtaas ng unemployment rate sa 6.0% mula sa 5.3% noong nakaraang taon na nagpapakita na hindi nakakasabay ang paglikha ng trabaho sa dami ng mga Pilipinong pumapasok sa labor force.
Batay sa July 2026 Labor Force Survey, tumaas ang labor force participation mula 60.7% patungong 63.6%, na nangangahulugang mas maraming Pilipino ang aktibong naghahanap ng trabaho.
Pero kasabay nito, tumaas din ang bilang ng mga walang trabaho sa 3.14 milyon mula sa 2.59 milyon isang taon na ang nakalipas.
Binigyang-diin ni Villanueva ang pagbaba ng trabaho sa ilang pangunahing sektor. Ang manufacturing ang pinakamalaki ang naitalang pagbaba na may 134,000 trabahong nawala year-on-year at karagdagang 162,000 mula Abril hanggang Hulyo.
Nawalan din ng 85,000 trabaho ang construction at 57,000 ang mining at quarrying. Ayon kay Villanueva, parehong sektor na ito ay mas madalas tamaan ng pagbabago ng klima at hindi inaasahang panahon.
Bumaba ang underemployment, pero marami pa rin ang naghahanap
Ikinatuwa naman ng senador ang pagbaba ng underemployment sa 12.9% mula sa 14.8% noong nakaraang taon.
Gayunpaman, aniya, milyon-milyon pa rin ang Pilipinong naghahanap ng dagdag na trabaho o mas mataas na sahod.
“Government must ensure that economic growth translates into more stable, productive, and decent jobs,” sabi niya.
Dahil dito, sinabi ni Villanueva na kailangang suriin ang pagpapatupad ng Trabaho Para sa Bayan Act o Republic Act No. 11962.
Sa ilalim ng batas, inaatas sa Trabaho Para sa Bayan Inter-Agency Council na magsumite ng implementation reports sa Kongreso tuwing Enero at Hulyo.
Kaya naman hinihiling niya sa Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev na isumite na ang required na ulat para mabigyan ng malinaw na larawan ang Kongreso sa progreso, mga kakulangan, at mga konkretong hakbang sa ilalim ng Trabaho Para sa Bayan Plan.
Binigyang-diin din ni Villanueva na hindi lang dapat bilang ng naghahanap ng trabaho ang tinitingnan sa monthly labor force figures.
Dapat din itong maging gabay ng gobyerno, lalo na ng mga ahensyang pang-edukasyon at training tulad ng CHED at TESDA, para matukoy kung aling sektor ang kailangan ng interbensyon sa job generation at para masiguro na may sapat at dekalidad na trabahong nalilikha. Ernie Reyes