BACOLOD CITY — Nasawi ang isang 31-anyos na babae matapos umano siyang suntukin sa ulo ng kanyang live-in partner sa kanilang bahay sa Barangay 3, San Carlos City, Negros Occidental noong Lunes.
Ayon kay San Carlos City police chief Lt. Col. Nazer Canja, nagkaroon ng pagtatalo ang magkapareha matapos dumalo sa birthday party ng kanilang kamag-anak.
Pagdating nila sa bahay, nagpatuloy umano ang kanilang pagtatalo. Sa gitna ng komprontasyon, sinuntok umano ng 33-anyos na suspek sa ulo ang biktima, dahilan upang matumba ito.
Isinugod ang babae sa ospital ngunit idineklara siyang patay.
Iniulat ng ina ng biktima sa pulisya ang insidente.
Kusang sumuko sa mga awtoridad ang suspek. Sinampahan siya ng kasong homicide kaugnay ng violence against women, ayon sa pulisya. Mary Anne Sapico