Home NATIONWIDE PBBM admin, pinapalakas digital infrastructure para sa paglago ng ekonomiya

PBBM admin, pinapalakas digital infrastructure para sa paglago ng ekonomiya

1
0

MANILA, Philippines – Patuloy na pinapalakas ng pamahalaan ang digital infrastructure at kakayahan ng mga Pilipino upang suportahan ang paglago ng ekonomiya, lumikha ng mas mataas na uri ng trabaho at ihanda ang bansa sa mga bagong teknolohiya.

Sa kanyang talumpati sa 2026 Luzon Economic Corridor (LEC) Investment Forum sa Grand Ballroom ng Grand Hyatt Manila sa Bonifacio Global City, Taguig City, araw ng Huwebes, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na patuloy na pinapalakas ng pamahalaan ang digital foundations ng bansa bilang bahagi ng pagtatayo ng isang modernong ekonomiya.

“Itinatayo rin natin ang mga digital na pundasyon ng isang makabagong ekonomiya. Pinalalawak natin ang ligtas na connectivity at advanced computing infrastructure. Pinapalakas natin ang cybersecurity at nagtatatag ng mga pananggalang para sa responsableng paggamit ng artificial intelligence,” ani Pangulong Marcos sa nasabing forum.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pagsusulong ng renewable resources, pagpapalakas ng power grid at paggamit ng mga teknolohiyang makatutulong kapwa sa paglago ng ekonomiya at pangangalaga sa kapaligiran.

“Pinauunlad natin ang renewable resources, pinapalakas ang power grid at isinusulong ang mga maaasahang teknolohiyang susuporta kapwa sa paglago ng ekonomiya at pangangalaga sa kapaligiran,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na mayroon nang matibay na pundasyon ang Pilipinas ng mga manggagawang may kakayahan sa digital technologies.

“Binibigyan natin sila ng pagkakataong makapasok sa mga trabahong may mas mataas na halaga, at tinutulungan ang mga negosyong Pilipino na maging mga tagalikha—hindi lamang mga gumagamit—ng mga bagong teknolohiya,” ayon sa Pangulo sabay sabing “Nais nating maging bahagi ang ating bansa sa pagdidisenyo at pagbuo ng mga solusyong huhubog sa ating kinabukasan.”

Idinagdag ng Pangulo na matagal nang pinagkakatiwalaang katuwang ang Pilipinas sa global semiconductor at electronics production.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi lamang koleksiyon ng mga infrastructure project ang LEC, kundi bahagi ito ng mas malawak na estratehiya ng pamahalaan sa pag-oorganisa ng paglago ng ekonomiya.

“Ito ang ating estratehiya para maayos na maisulong ang paglago,” ani Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, inililipat na ng Pilipinas ang pagtutok mula sa pagtukoy lamang ng mga posibilidad tungo sa paghahanda ng mga proyekto; mula sa mga pagpapahayag ng interes tungo sa commercial partnerships; at mula sa isang shared vision tungo sa mga pamumuhunang maisasakatuparan at masusukat ang resulta.

Sinabi ng Pangulo na mahalaga ang hakbang na ito sa panahong muling inaayos ang global supply chains.

Ayon kay Pangulong Marcos, binabago ng teknolohiya ang paraan ng paggawa ng mga produkto at paghahatid ng mga serbisyo.

Sinabi rin ng Pangulo na naghahanap ang mga negosyo ng maaasahang lokasyon kung saan maaari silang mamuhunan nang pangmatagalan, makapasok sa lumalaking merkado at makinabang sa isang mahusay na workforce.

Ani Pangulong Marcos, layunin ng Pilipinas na maging isa sa mga lokasyong ito.

“Mayroon tayong lumalaking domestic market, access sa mahahalagang trade routes, batang may talento at mahusay na populasyon, at matitibay na ugnayang pang-ekonomiya sa buong mundo. Pinapalakas natin ang mga kalamangan na ito sa pamamagitan ng mas mahusay na connectivity, maaasahang enerhiya, makabagong digital infrastructure at mas matatag na mga lokal na industriya,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Pinapahusay natin ang paggalaw ng mga tao at produkto sa buong Corridor. Makababawas ito sa mga gastos, susuporta sa manufacturing at trade, at tutulungan ang mga negosyong Pilipino na maabot ang mas malalaking merkado,” dagdag ng Pangulo.

Idinagdag ni Pangulong Marcos na patuloy ding pinapalawak ng Pilipinas ang energy capacity nito upang matugunan ang pangangailangan ng industriya at mga komunidad. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here