CAVITE, Philippines – Walong hinihinalang drug personalities, kabilang ang apat na babae, ang naaresto matapos makuhanan ng halos P.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina alyas Jonjon, isang High Value Individual (HVI), at alyas Nogi, Marvib, Mara, Joys, Bernadette, Louise at Fidelity na pawang Street Level Individuals (SLI).
Isinagawa ng Drug Enforcement Team (DET) ng Bacoor Component City Police Station, katuwang ang Provincial Drug Enforcement Agency (PDEA), ang operasyon bandang alas-11:50 ng gabi sa Block 9 Lot 16 Townhomes, Barangay Habay 1.
Nakumpiska sa mga suspek ang pitong heat-sealed transparent plastic sachet at dalawang knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 52 gramo at may standard drug price na P353,600.
Nakuha rin ang buy-bust money, isang Android phone, itim na wallet at Yamaha NMAX na may plakang P3160B.
Dinala ang mga nakuhang ebidensiya sa Cavite Provincial Forensic Unit sa Imus City para sa pagsusuri.
Nasa kustodiya ng Bacoor Component City Police Station ang mga suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila. MARGIE BAUTISTA