Home NATIONWIDE Desisyon sa impeachment threshold, magiging batayan sa mga susunod na trial –...

Desisyon sa impeachment threshold, magiging batayan sa mga susunod na trial – Adiong

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na magiging mahalaga ang magiging desisyon ng Senate impeachment court sa conviction threshold sa kaso ni Vice President Sara Duterte dahil maaari itong magsilbing pamantayan sa mga susunod na impeachment trial.

“Ito naman pong ginagawa natin sa impeachment trial ay para naman po sa ating kinabukasan. Yung magkakaroon po ng at least a standard, no, standard kung paano po natin dapat piliin ang ating mga namumuno sa atin,” ani Adiong.

Ayon sa 1987 Constitution, kailangan ang two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado para mahatulan ang isang impeached official. Sa 24 senador, katumbas ito ng 16 na boto.

Gayunman, pinag-uusapan kung paano ito isasalin sa aktuwal na bilang ng boto ngayong may mga senator-judge na hindi makadalo o makalahok nang buo sa paglilitis.

“Actually, it’s not revising the thresholds kasi fixed na talaga po yung two-thirds (because the two-third rule is already fixed), but how to translate that into an actual vote that would depend and we rely solely on the discretion and decision of the impeachment court,” paliwanag ni Adiong.

Sinabi rin niyang hindi nais ng prosecution na umikot ang kanilang kaso sa bilang ng boto, kundi sa mga ebidensiyang susuriin ng bawat senator-judge.

Samantala, nakatakdang dinggin ng impeachment court sa Setyembre 16 ang mga pananaw ng mga amicus curiae o mga eksperto sa batas tungkol sa isyu ng conviction threshold.

Ayon kay prosecution spokesperson Robert Ace Barbers, mahalaga ang mga independiyenteng legal na pananaw upang malinawan ang korte at magkabilang panig sa usapin.

“Sa akin, personally, I believe that that is necessary, no. Para sa ganun, eh, maliwanagan talaga lahat,” ani Barbers.

Sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na kabilang sa maaaring hingan ng opinyon ang mga retiradong mahistrado ng Supreme Court at mga eksperto sa constitutional law. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here