MANILA, Philippines – Naglunsad na ng Marine Safety Investigation ang Maritime Industry Authority (MARINA) kaugnay ng sunog sa passenger vessel MV June Aster sa Coron, Palawan na ikinasawi ng limang katao.
Ayon sa MARINA, nagpadala na ito ng investigation team at inatasan ang Regional Office IV na makipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) at tumulong sa mga nakaligtas sa insidente.
Nangyari ang sunog noong Setyembre 9 sa karagatan malapit sa Barangay Marcilla, Coron.
Sinabi ng ahensya na aalamin ng imbestigasyon ang mga pangyayari at posibleng dahilan ng sunog.
Batay naman sa paunang impormasyon ng PCG mula sa isang nakaligtas na crew member, nagsimula umano ang apoy sa cargo hold ng barko at maliit pa ito sa simula.
Gayunman, hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi ng sunog dahil hindi pa kumpleto ang salaysay na nakuha ng mga awtoridad mula sa crew member.
Sinabi rin ng MARINA na patuloy itong makikipag-ugnayan sa PCG at maglalabas lamang ng karagdagang impormasyon kapag beripikado na.
Batay sa opisyal na MARINA records na inilabas noong Marso 2026, nakarehistro ang MV June Aster bilang passenger-cargo vessel ng Atienza Interisland Ferries Inc., na may gross tonnage na 490.49 at passenger capacity na 277. RNT