Home HOME BANNER STORY BJMP, handang ilipat anumang oras si Romualdez sa Payatas jail

BJMP, handang ilipat anumang oras si Romualdez sa Payatas jail

2
0

MANILA, Philippines – Handa ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ilipat si dating House Speaker Martin Romualdez sa New Quezon City Jail sa Payatas sa sandaling pahintulutan ng korte at makakuha siya ng medical clearance.

Naglabas nitong Huwebes ang Sandiganbayan Third Division ng commitment order para sa pagkakakulong ni Romualdez sa naturang pasilidad habang nahaharap siya sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P7.4-bilyong kickback scheme sa flood control projects.

Ayon kay BJMP spokesperson Jayrex Joseph Bustinera, nakahanda ang ahensya sa paglilipat kay Romualdez at wala umano itong matatanggap na special treatment kapag naipasok sa jail facility.

Sinabi rin ng BJMP na hindi ilalagay sa solo cell ang dating Speaker at susunod lamang sa kaparehong detention arrangement na ipinapatupad sa iba pang high-profile persons deprived of liberty.

Sa ngayon, nananatili si Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center matapos sertipikahan ng kanyang mga doktor na hindi pa siya medically fit na bumiyahe palabas ng ospital.

Patuloy namang binabantayan ng BJMP ang ospital habang dinidinig ng Sandiganbayan ang kahilingan ni Romualdez na manatili sa hospital confinement.

Naaresto si Romualdez noong Setyembre 7 matapos maglabas ng warrant ang Sandiganbayan kaugnay ng plunder case. Iginiit ng kanyang abogado na haharapin ng dating Speaker ang mga alegasyon sa pamamagitan ng legal na proseso. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here