Home HOME BANNER STORY VP Duterte humirit ng agarang TRO sa SC bago arraignment

VP Duterte humirit ng agarang TRO sa SC bago arraignment

1
0

MANILA, Philippines – Hiniling ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Supreme Court (SC) na agarang aksyunan ang kanyang aplikasyon para sa temporary restraining order (TRO) upang mapigil ang pagpapatuloy ng grave threats case laban sa kanya sa Quezon City Regional Trial Court.

Inihain ang urgent motion noong Setyembre 7, ilang araw bago ang nakatakda niyang arraignment ngayong Biyernes, Setyembre 11.

Iginiit ng kampo ni Duterte na maaaring mawalan ng saysay ang hinihingi nilang remedyo sa Korte Suprema kapag nagpatuloy ang arraignment at iba pang proceedings habang hindi pa nareresolba ang kanilang constitutional challenge.

Iginigiit nila na may “limited procedural immunity” ang isang incumbent impeachable official at kinukuwestiyon ang hurisdiksiyon at pagpapatuloy ng criminal prosecution habang nanunungkulan si Duterte.

Nauna nang naghain ang kampo ng Bise Presidente ng petition for certiorari and prohibition noong Agosto 21 upang kuwestiyunin ang pagsasampa ng mga kaso at humingi ng injunction.

Noong Setyembre 4, naglabas ang Quezon City RTC Branch 98 ng warrant of arrest laban kay Duterte sa tatlong bilang ng grave threats. Kinabukasan, Setyembre 5, naghain siya ng kabuuang P360,000 piyansa, o P120,000 bawat kaso, at kalaunan ay inalis ng korte ang warrant.

Ang kaso ay nag-ugat sa mga pahayag ni Duterte sa isang online press conference noong Nobyembre 2024 kaugnay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez. Ang mga kasong grave threats ay isinampa ng Department of Justice sa Quezon City court noong Agosto 11.

Sinabi naman ng tagapagsalita ni Duterte na dadalo ang Bise Presidente sa kanyang arraignment alinsunod sa batas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here