Home NATIONWIDE 7 libreng Angioplasty, 56 Angiogram sa Ospital ng Maynila nakamit sa 1...

7 libreng Angioplasty, 56 Angiogram sa Ospital ng Maynila nakamit sa 1 taon

1
0

MANILA, Philippines — Umabot na sa pitong libreng angioplasty at 56 libreng angiogram ang naisagawa sa Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) sa loob lamang ng isang taon mula nang buksan ang Cardiac Catheterization Laboratory nito.

Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, walang inilabas na pera ang mga kwalipikadong pasyente para sa mga naturang cardiac procedure.

Ang ikapitong matagumpay na angioplasty ay isinagawa kamakailan sa isang 70-anyos na lalaki mula Maynila, na nakatanggap ng procedure nang walang bayad.

Ipinagdiwang ni Domagoso ang unang anibersaryo ng Cardiac Catheterization Laboratory na binuksan noong Setyembre 8, 2025.

Ayon sa alkalde, maaaring umabot sa ₱975,000 ang gastos sa naturang angioplasty kung isinagawa sa pribadong ospital. Karaniwang nasa ₱800,000 hanggang ₱1.5 milyon ang halaga ng angioplasty sa private hospitals.

“Magkano po binayaran ng pasyente natin ngayon? Zero. Literally zero. Walang binayaran. Salamat sa taxpayers ng siyudad,” ani Domagoso.

Ang angioplasty ay isang minimally invasive na pamamaraan para buksan ang barado o masikip na ugat na nagdadala ng dugo sa puso. Hindi nito kinakailangan ang open-heart surgery at karaniwang mas mabilis ang paggaling ng pasyente.

Binigyang-diin ni Domagoso na patuloy na magiging libre ang angioplasty para sa mga kwalipikadong pasyente ng pampublikong ospital ng lungsod.

“Wala pong bayad ang angioplasty sa ating pampublikong ospital, at tuloy-tuloy po ’yan,” aniya.

Para matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon at sapat na kagamitan, naglaan umano ang city government ng halos ₱25 milyon na standby funds para sa pagbili at maintenance ng mga kinakailangang medical equipment.

Pinuri rin ng alkalde ang medical team na nagsasagawa ng mga procedure, sa pangunguna ni Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, kasama ang mga interventional cardiologist, anesthesiologist, nurse at radiologic technologist. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here