MANILA, Philippines – Nasa humigit kumulang na P300,000 halaga ng kita ng isang convenient store ang natangay makaraang pasukin at ransakin ng riding in tandem sa Silang, Cavite.
Sa report ng Silang Police, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang armadong suspek na magk-angkas sakay ng isang kulay puti na motorsiklong Yamaha Aerox na tumakas matapos ang insidente.
Sa ginawang imbestigasyon, bandang alas-12:40 ng madaling araw nang pumasok ang mga suspek sa Dali Convenient Store na matatagpuan sa Brgy Pasong Langka ng nasabing bayan na kaagad na naglabas ng hindi pa nabatid na kalibre ng baril at nagdeklara ng holdap.
Tinalian umano ng mga suspek ang kamay ng mga biktima at pinasok sa opisina kung saan pinagbantaan at inutusan na buksan ang cash vault hanggang sa tangayin nito ang humigit kumulang na P300,000 na kita ng tindahan.
Dito na mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo sa hindi pa mabatid na direksyon.
Nagsagawa naman ang pulisya ng backtracking sa CCTV footage para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at kinaroroonan ng mga ito. MARGIE BAUTISTA