MANILA, Philippines – DUMATING na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New Delhi, India para sa 18th BRICS Summit.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), umalis ang Pangulo mula sa Villamor Air Base ng alas-7:50 ng gabi, araw ng Biyernes, (oras sa Pilipinas).
“President Ferdinand R. Marcos Jr. has arrived in New Delhi, India to take part in the 18th BRICS Summit in his capacity as ASEAN Chair and invited outreach country,” ang sinabi ng PCO sa isang Facebook post.
Ang BRICS Summit ay taunang pagpupulong ng mga lider ng mga bansang kabilang sa grupo.
Sa kanyang departure statement, sinabi ni Pangulong Marcos na mahalaga ang pakikilahok ng ASEAN sa BRICS sa gitna ng malalaking pagbabago at mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga bansa sa mga isyung may epekto sa buong mundo.
“It is our conviction, however, that as a broader community of nations, it is imperative that we coalesce and cohere around issues that impact on us collectively,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, malaki ang maiaambag ng ASEAN sa mga talakayan ng BRICS, lalo na sa mga usapin ng kapayapaan, seguridad, sustainable development, at seguridad sa pagkain at enerhiya.
“Malaki ang maiaambag ng ASEAN dito, kabilang na ang ating mga naging aksyon sa mga isyung ito,” ani Pangulong Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na magkakatugma ang mga prayoridad ng Pilipinas bilang ASEAN Chair at ng India bilang BRICS Chair, na kapwa nakatuon sa katatagan, inobasyon, kooperasyon at sustainability.
Samantala, ang Pangulo ay inimbitahan ni Indian Prime Minister Narendra Modi, at nakatakdang magdaos ng bilateral meeting kasama ito. Nakatakda ring makapulong ng Pangulo ang mga Indian companies at iba pang key players.
Sinasabing ito ang pangalawang byahe ng Pangulo sa India. Noong August 2025, nagpunta rin ang Pangulo sa India para sa five-day state visit nito. KRIS JOSE