MANILA, Philippines – Pangungunahan nina House prosecutors Reps. Terry Ridon at Jose Manuel “Chel” Diokno ang presentasyon ng mga ebidensya sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte sa pagsisimula ng proceedings para sa Article II ng impeachment complaint sa Lunes, Setyembre14.
Ani Ridon, siya at si Diokno ay magsasalitan sa pagpresenta ng ebidensya at gagawa ng legal arguments.
Hiniling ng prosekusyon ang pagpapatawag sa tatlong witness. Ito ay sina retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang; lawyer Karen Batu, na tinukoy ni Ridon bilang officer-in-charge ng Office of the Ombudsman records division; at Securities and Exchange Commission Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo F. Del Rosario.
Inaasahang tetestigo si Cabotaje-Tang sa public accountability, integrity sa public office at legal principles kaugnay sa undisclosed wealth at prohibited business interests.
Si Batu naman ay inaasahang tetestigo sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth ni Duterte partikular ang mga naihain sa Ombudsman.
Habang si Del Rosario naman ay inaasahang i-authenticate ang company records na planong ipresenta ng prosekusyon bilang ebidensya.
Maaari ring ipatawag ng prosecutors ang mga representative mula sa Bureau of Internal Revenue, bank managers at mga tauhan ng Philippine National Police firearms division para tukuyin ang mga dokumento na may kinalaman sa kaso.
Ani Ridon, mayroon na ang prosekusyon ng tax records sangkot sina Duterte at asawa nitong si Atty. Manases Carpio, maging ang mga bank record na iniuugnay sa mag-asawa at kanilang mga kompanya.
Binigyan ng impeachment court ang depensa ng 15 araw para tumugon sa 104 requests for admission sangkot ang mga bank account at iba pang rekord. RNT/JGC