MANILA, Philippines – ISUSULONG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 18th BRICS Summit sa India ang mga hakbang para sa kapayapaan, inklusibong paglago, seguridad sa pagkain at enerhiya, gayundin ang pagpapanatili ng rules-based international order habang kinakatawan ang ASEAN bilang kasalukuyang ASEAN Chair.
Umalis ang Pangulo patungong New Delhi bandang alas-7:50 Biyernes ng gabi para sa dalawang araw na summit sa Setyembre 12 at 13, kung saan bibigyang-diin niya ang mga prayoridad ng pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN—mga sandigan ng kapayapaan at seguridad, mga koridor ng kaunlaran, at pagpapalakas ng mamamayan.
Sa kanyang departure statement, sinabi ni Pangulong Marcos na mahalaga ang pakikilahok ng ASEAN sa BRICS sa gitna ng malalaking pagbabago at mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.
“We have been asked to participate in the BRICS Summit at a time when the global economy is undergoing profound changes, even pressure,” ani Pangulong Marcos.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga bansa sa mga isyung may epekto sa buong mundo.
“It is our conviction, however, that as a broader community of nations, it is imperative that we coalesce and cohere around issues that impact on us collectively,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, malaking maiaambag ng ASEAN sa mga talakayan ng BRICS, lalo na sa mga usapin ng kapayapaan, seguridad, sustainable development, at seguridad sa pagkain at enerhiya.
“Malaki ang maiaambag ng ASEAN dito, kabilang na ang ating mga naging aksyon sa mga isyung ito,” ang winika ni Pangulong Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na magkakatugma ang mga prayoridad ng Pilipinas bilang ASEAN Chair at ng India bilang BRICS Chair, na kapwa nakatuon sa katatagan, inobasyon, kooperasyon at sustainability. KRIS JOSE