MANILA, Philippines – BINASURA ng Malakanyang ang pahayag ng mga kritiko na maaaring maka-impluwensiya ang naging desisyon ng Korte Suprema na baligtarin ang naunang hatol ng Sandiganbayan kaugnay sa graft case laban kay dating Unang Ginang Imelda Marcos sa gagawing pagpili ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa susunod na chief justice.
Sa ulat, binaligtad kasi ng Korte Suprema ang naunang hatol ng Sandiganbayan na nagkasala si dating Unang Ginang Imedla sa kasong graft kaugnay ng umano’y pinansyal niyang interes sa pitong Swiss foundation.
Sa press briefing sa Philippine Embassy sa New Delhi, India, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ginagalang ng Malakanyang ang desisyon ng Korte Suprema ukol sa kaso ng dating Unang GInang, binigyang diin na ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman ay nananatiling “final arbiter of legal disputes.”
“Pero ang pamahalaan po, ang gobyerno, ang administrasyon ay laging ginagalang po kung anuman ang desisyon ng Supreme Court,” ani Castro.
Gayunman, inihayag ng mga kritiko na ang desisyon ng Korte Suprema ay maaaring makaapekto sa gagawing pagpili ng Pangulo para sa susunod na chief justice.
Para kay Castro, ang espekulasyon na ito ay walang basehan, ang ganitong pahayag ay sumasalamin sa kawalan ng paggalang sa Korte Suprema at mga miyembro nito.
“Normal sa mga kritiko ang mag-isip ng puwede nilang i-issue. Karamihan naman dito ay walang mga basehan,” ang winika ni Castro.
Ani Castro, madalas na nagpapahayag ang mga kritiko ng kanilang saloobin ng walang facts o data na susuporta sa kanilang mga sinabi.
“Ang pag-criticize nilang ganito, ito ay sumasalamin sa hindi nila paggalang sa Supreme Court, hindi nila paggalang sa kaisipan at independiyensa ng mga justices natin sa Supreme Court,” ayon kay Castro.
Binigyang diin ni Castro ang kuwalipikasyon ng mga miyembro ng Korte Suprema, sabay sabing itinalaga ang mga ito dahil sa kanilang kaalaman at karanasan sa batas.
“Hindi naman po sila nailagay diyan na na-appoint bilang Supreme Court Justice nang hindi sila marunong sa batas. Marami na po silang napagdaanan. Alam nila po kung paano bumasa, paano humimay ng mga ebidensya ,” diing pahayag ni Castro. KRIS JOSE