Home METRO Bilang ng nasawi sa nasunog na barko sa Coron, 76 na

Bilang ng nasawi sa nasunog na barko sa Coron, 76 na

3
0

PALAWAN, Philippines – Umakyat na sa 76 ang bilang ng mga nasawi sa sunog sa M/V June Aster matapos makumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagkakatagpo ng 41 pang bangkay sa nasunog na barko nitong Sabado.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, dadalhin ang mga labi sa pantalan sa Coron, Palawan. Nauna nang dumating sa lugar ang 30 bangkay, habang limang iba pa ang unang narekober matapos ang insidente.

Ayon sa mga awtoridad, pansamantalang ililibing ang mga labi habang isinasagawa ang DNA testing para sa pagkakakilanlan ng mga biktima. Makikipagtulungan din ang mga kaanak sa pagtukoy sa mga personal na gamit na maaaring pag-aari ng kanilang mga mahal sa buhay.

30 pasahero, kabilang ang dalawang Chilean nationals, at 13 crew ang nailigtas. Humigit-kumulang isang dosena pa ang pinaniniwalaang nawawala.

Ayon kay Cayabyab, nagsimula ang sunog sa cargo hold at mabilis na kumalat sa buong barko ilang segundo matapos marinig ng mga sakay ang malakas na pagsabog. Dahil dito, wala nang panahon ang ilan sa mga pasahero na magsuot ng life jacket.

Samantala, idinagdag ng PCG na mananagot umano ang kapitan ng M/V June Aster sa trahedyang ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito mahagilap.

Kinumpirma ni Cayabyab na buhay si Captain Roel Sarmiento, kahit wala ito sa opisyal na listahan ng survivors.

Ayon sa shipping company, kasama umano ni Sarmiento ang ibang tripulante nang pumunta sila sa barangay matapos ang sunog, ngunit bigla na lamang itong nawala.

“The ship’s captain is responsible for all his passengers and cargo,” giit ni Cayabyab.

Hinahanap na ng PCG si Sarmiento upang makunan ng pahayag. Sinabi naman ng Atienza Interisland Ferries Inc. na trauma pa ang kapitan kaya hindi pa ito makausap.

Ang M/V June Aster ay kasalukuyang nakasadlak sa dagat, nasa humigit-kumulang 7.5 kilometro mula sa baybayin ng Palawan.

Sinabi naman ng kumpanyang may-ari ng barko, ang Atienza Interisland Ferries Inc., na lubos itong nakikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon. RNT/MDS/Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here