MANILA, Philippines – Humihingi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng technical expertise at kooperasyon ng India para sa mga pangunahing railway project at space technology development sa Pilipinas.
Sa sidelines ng 18th BRICS Summit sa New Delhi, magkahiwalay na nakipagpulong si Marcos sa mga kinatawan ng Rail India Technical and Economic Service Ltd. (RITES) at Indian Space Research Organisation (ISRO).
Ayon kay Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, tinalakay sa RITES ang posibleng kooperasyon sa Mindanao Railway Project, mass rail system sa Cebu at extension ng Philippine National Railways mula Tutuban sa Tondo, Manila.
Maaaring maging consultant o partner sa public-private partnership (PPP) ang RITES at tumulong din sa pagkuha ng official development assistance (ODA).
“So, titingnan nila ‘yun at pag-aaralan natin,” ani Gomez.
Nakipagpulong din si Marcos sa ISRO para talakayin ang pakikipagtulungan nito sa Philippine Space Agency (PhilSA), lalo na sa layunin ng Pilipinas na magkaroon at kalaunan ay makapag-launch ng sariling satellite.
“Importante talaga na magkaroon din tayo ng sarili nating satellite dahil maraming gamit, maraming tulong ‘yan, from communications to weather forecasting dahil sa climate change, kailangan natin ‘yan, defense and security,” ani Gomez.
“So, talaga ‘yun ang aspiration ng administrasyong Marcos — to eventually launch our satellite. So, tutulungan nila tayo,” dagdag niya.
Samantala, nakatakda ring makipagpulong si Marcos sa tatlong kumpanyang Indian upang talakayin ang mga posibleng pamumuhunan at paglikha ng trabaho sa Pilipinas. RNT/MDS