MANILA, Philippines – Tinawag ng kampo ni Sen. Loren Legarda na “waste of prosecution resources” ang imbestigasyon ng Ombudsman laban sa senador at sa anak nitong si Batangas Rep. Leandro Leviste kaugnay ng mga solar power company nito.
Ayon kay Atty. Tony La Viña, tagapagsalita ni Legarda, walang ginamit o ninakaw na pondo ng gobyerno sa mga transaksiyon ng Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC) at Solar Philippines Power Project Holdings Inc.
“Ako, I see it as a waste of prosecution resources,” ani La Viña.
Nasa preliminary investigation ng Ombudsman ang plunder at graft complaint laban kina Legarda at Leviste kaugnay ng umano’y P10.44 bilyong iregularidad sa mga kompanya ni Leviste.
Ayon sa Ombudsman, nakakuha si Leviste ng mahigit 30 service contracts noong 2013 na umano’y nagresulta sa “monopoly” sa mga solar energy project.
Iginiit ni La Viña na sariling pondo ni Leviste ang ginamit sa mga service contract at franchise at siya rin ang nagbayad sa mga penalty sa mga nabigong kontrata.
“Walang so-called 24 billion or 10 billion. Not a single document asking him to pay for that,” ani La Viña.
Itinanggi rin niya na ginamit ni Legarda ang impluwensiya nito upang matulungan ang anak sa pagkuha ng solar franchise at mga kontrata.
“Parang it’s absurd, ’di ba, na just because you’re a senator and you have a son, automatically, ’di ba, ginamit mo yung power mo para makuha ng anak niya yung mga franchisees or mga contracts,” ani La Viña.
Nauna nang tinawag ni La Viña na “lawfare” at “political persecution” ang imbestigasyon, at iginiit na walang kinalaman si Legarda sa operasyon ng mga kompanya ng kanyang anak. RNT/MDS