MNAILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Lito Lapid ang isang panukalang batas na magbibigay ng libreng executive checkup para sa mga mahirap na senior citizen sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2433, bibigyan ng libre at komprehensibong pagsusuring medikal ang mga Pilipinong may edad 60 pataas na ituturing na maralita o indigent ng City o Municipal Social Welfare and Development Office (C/MSWDO).
Hindi lang simpleng checkup ang nakapaloob sa panukala. Sakop nito ang kumpletong serbisyo para maagapan ang sakit, kabilang ang:
– Konsultasyon sa doktor at espesyalista
– Mga laboratory test tulad ng blood chem, urinalysis, at X-ray
– Iba pang diagnostic at screening procedure para sa maagang pagtuklas ng sakit tulad ng high blood, diabetes, sakit sa puso at iba pa.
Ayon sa panukala, isasagawa ang libreng executive checkup sa mga pampublikong ospital, DOH hospital, Rural Health Units (RHUs), at mga pribadong ospital na accredited ng gobyerno.
Ipatutupad ito isang beses kada tatlong taon para sa bawat benepisyaryo, at bibigyan ng priority ang mga nakaratay (bedridden) at mga nakatira sa malalayong lugar na madalas hindi naaabot ng serbisyong medikal.
Sa kanyang explanatory note, binigyang-diin ni Lapid na marami pa ring lolo at lola ang hindi nakakapagpa-checkup dahil sa kamahalan ng bayad.
“Kahit may mga batas nang tumutulong sa senior citizens tulad ng libreng gamot at diskwento, karamihan pa rin sa mahihirap nating nakatatanda ay walang pampa-checkup. Hinihintay na lang nilang lumala ang sakit bago magpagamot,” pahayag ni Lapid.
Dagdag pa ng senador, mas makakatipid ang gobyerno at ang pamilya kung maagapan agad ang sakit kaysa gumastos ng malaki sa ospital kapag malala na ito.
“Layunin ng panukalang ito na masiguro na kahit mahirap ay may pagkakataong makapagpa-checkup at mapangalagaan ang kalusugan ng mga nakatatanda. Hindi dapat nakadepende sa bulsa ang karapatang mabuhay nang malusog at may dignidad,” giit niya.
Kapag naisabatas, inaasahang makatutulong ang programa hindi lamang para humaba ang buhay ng mga senior citizen, kundi para mabigyan din sila ng mas maginhawa at maayos na pagtanda kasama ang kanilang pamilya. Ernie Reyes