Home METRO Pag-ulat sa anomang anomalya sa BARMM polls, hinimok ng Comelec

Pag-ulat sa anomang anomalya sa BARMM polls, hinimok ng Comelec

3
0

COTABATO CITY, Philippines – Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo ang publiko na iulat ang anumang anomalya na maaaring makaapekto sa mapayapa at maayos na pagsasagawa ng unang parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay Comelec Chairman Erwin George Garcia, mahalaga ang mga device ng publiko sa pagdodokumento ng mga insidente at pagsusumite ng ulat sa Comelec at iba pang kinauukulang awtoridad.

Sinabi ni Garcia na magsasagawa ang Comelec ng imbestigasyon sa mga ulat na may kaugnayan sa halalan at maaaring maglabas ng show cause order laban sa mga indibidwal na inirereklamo.

Nakipagtulungan din umano ang Comelec threat monitoring center sa Department of Information and Communication Technology (DICT) at mga social media platform upang matanggal ang mga peke at mapanlinlang na post online.

Samantala, nagbabala si National Citizens Movement for Free Elections (NAMFREL) Secretary General Eric Alvia na maaaring maapektuhan ng fake news ang voter turnout sa Bangsamoro.

Ayon kay Alvia, dapat maging mapagbantay ang publiko dahil may mga artificial intelligence (AI) accounts na nagkakalat umano ng magkakatulad na maling impormasyon online.

Dagdag niya, hindi nagtatapos ang election monitoring sa paglabas ng resulta dahil kailangan ding bantayan ang pagtanggap ng publiko sa magiging resulta ng halalan.

Sa isang social media post, nagbabala rin ang Comelec laban sa isang Facebook page na nagsasabing layunin ng BARMM elections na sirain ang pagkakaisa ng mga Muslim community.

Gaganapin ang unang parliamentary election sa BARMM sa Lunes, Setyembre 14, kung saan pipili ang mga botante ng mga kinatawan para sa 80 puwesto sa Bangsamoro Parliament.

Bahagi ang halalan ng proseso ng kapayapaan sa rehiyon at mahalagang hakbang sa paglipat mula sa pansamantalang Bangsamoro Transition Authority (BTA) tungo sa isang halal na pamahalaang panrehiyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here