COTABATO CITY — Dalawang magkahiwalay na pagsabog ang naiulat sa Cotabato City nitong Linggo ng gabi, Setyembre 13, isang araw bago ang Bangsamoro parliamentary elections, kung saan isang lalaki ang nasugatan.
Batay sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR), unang naganap ang pagsabog dakong alas-8 ng gabi sa Purok Amirol, Barangay Kalanganan.
Nasugatan dito si Zainodin Sapal Macabuat, residente ng Poblacion 1, na umano’y naghihintay sa kanyang construction foreman nang makakita ng puting liwanag bago makarinig ng pagsabog.
Makalipas ang humigit-kumulang 10 minuto, isa pang pagsabog ang naiulat sa Datu Udtog Matalam, Malagapas, Barangay Rosary Heights 10.
Walang naiulat na nasugatan sa ikalawang insidente. Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakita sa lugar ang nagkalat na basura at pinaniniwalaang nagmula sa isang bunton ng basura ang pagsabog.
Rumesponde ang Cotabato City Explosive Ordnance Disposal units upang magsagawa ng clearing at imbestigasyon sa dalawang lugar.
Hindi pa natutukoy ang responsable at motibo sa mga insidente. Inaalam din ng mga awtoridad kung magkaugnay ang dalawang pagsabog at kung explosive devices ang ginamit.
Patuloy ang imbestigasyon habang nakatakdang idaos ang Bangsamoro parliamentary elections sa Lunes, Setyembre 14. Mary Anne Sapico