MANILA, Philippines — Mahigit 2.39 milyong rehistradong botante ang inaasahang boboto sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections sa Lunes, Setyembre 14.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), 80 puwesto sa Bangsamoro Parliament ang nakataya sa halalan. Kabilang dito ang 40 Regional Parliamentary Political Party representatives, 32 parliamentary district representatives at walong sectoral representatives.
Bawat botante ay boboto para sa isang parliamentary district representative, isang parliamentary political party at anim na sectoral organizations na kumakatawan sa settler communities, kababaihan, kabataan, ulama at traditional leaders.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na mahalaga ang halalan bilang bahagi ng pagpapatuloy ng peace process at pagbuo ng sariling demokratikong institusyon sa Bangsamoro.
Nanawagan din siya sa mga botante, kandidato at partidong politikal na tiyaking magiging mapayapa, maayos at malaya sa pananakot ang halalan.
Gagamitin sa botohan ang automated counting machines na ginamit din noong May 2025 midterm elections.
Samantala, magpapakalat ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ng libo-libong volunteers sa BARMM, kabilang ang mga lalahok sa unofficial parallel count.
Nakatakda ring magsagawa ng early voting para sa senior citizens, buntis at persons with disabilities mula alas-5 hanggang alas-7 ng umaga. Maaari pa rin silang bumoto sa regular voting hours kung hindi makaboto nang maaga.
Ang Setyembre 14 polls ang unang regular parliamentary elections ng BARMM matapos ang ilang beses na pagpapaliban ng halalan. RNT