COTABATO CITY — Mahigit 800 public school teachers na nakatalagang magsilbing electoral board members sa kauna-unahang BARMM parliamentary elections ang umatras sa election duty, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia.
Karamihan umano sa mga guro ay may kamag-anak na kandidato, dahilan upang hindi sila tumuloy sa kanilang poll duties.
Ayon kay Garcia, papalitan sila ng mga pulis na sinanay ng Department of Science and Technology para sa election duties upang matiyak na hindi maaantala ang botohan sa Lunes, Setyembre 14.
Sa Cotabato City lamang, 137 guro ang hindi dumalo sa final testing and sealing ng automated counting machines noong Sabado.
May mga umatras din na guro mula sa Lanao del Sur, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Tawi-Tawi at BARMM Special Geographic Area.
Tiniyak naman ng Comelec na nakapaghanda ito ng sapat na kapalit para sa mga gurong umatras.
Samantala, nanawagan si Bangsamoro interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa mga botante at kandidato na panatilihing mapayapa, malinis at maayos ang halalan.
Sa kanyang pre-election video message, sinabi ni Macacua na ang halalan ay mahalagang bahagi ng pagpapatuloy ng peace process at pagbuo ng sariling pamahalaan sa Bangsamoro.
Hinimok din niya ang publiko na igalang ang karapatan ng bawat isa na pumili at iwasan ang mudslinging, dirty politics at pagpapakalat ng impormasyong maaaring magpalala ng tensyon sa rehiyon. RNT