MANILA, Philippines — Maaaring abutin ng ilang linggo hanggang buwan ang pagkilala sa mga nasawi sa sunog sa MV June Aster dahil karamihan sa mga labi ay sunog na sunog at kinakailangan pang dumaan sa DNA testing, ayon sa mga awtoridad.
Umakyat na sa 76 ang kumpirmadong nasawi, habang 13 katao ang hindi pa natatagpuan matapos makarekober ng 41 pang labi mula sa nasunog na barko. May 43 namang nakaligtas.
Sinabi ni PNP forensic specialist Richard Allan Mangalip na may mga labis na natagpuang magkakasama sa ilang bahagi ng barko habang ang iba ay nakakalat sa iba’t ibang lugar.
Dahil sa kondisyon ng mga labi at dami ng specimens na kailangang suriin, sinabi niyang hindi pa matiyak kung gaano katagal ang identification process.
Sa pinakahuling government briefing, lima pa lamang sa 76 nasawi ang nakilala habang ang 71 iba pa ay iniulat na lubhang nasunog. Kumukuha rin ang mga forensic personnel ng dental at DNA samples upang maitugma sa mga sample mula sa mga kaanak.
Patuloy din ang paghahanap sa iba pang bahagi ng MV June Aster, kabilang ang mga bahaging binaha at hindi pa ganap na nasusuri.
Hindi pa rin natutukoy ang sanhi ng sunog. Ayon sa Maritime Industry Authority, may mga survivor na nagsabing nakarinig sila ng dalawang pagsabog bago kumalat ang apoy, ngunit patuloy pa itong iniimbestigahan at hindi pa natutukoy kung ano ang pinagmulan ng pagsabog.
Nagmula sa Maynila ang MV June Aster at papunta sana sa Coron, Palawan nang masunog ito habang malapit na sa destinasyon noong Setyembre 9. Mary Anne Sapico