NEW DELHI — Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na masaya siya sa desisyon ng Supreme Court na baligtarin ang graft conviction ng kanyang inang si dating First Lady Imelda Marcos.
Sa press conference sa sidelines ng BRICS Summit sa New Delhi nitong Linggo, sinabi ng Pangulo na matagal nang nakabitin sa kanilang pamilya ang mga kasong isinampa pa noong 1986.
“Of course, I’m happy that she does not have to be worried… I’m glad, especially for my mom,” ani Marcos.
Sa desisyong may petsang Hunyo 10, 2026 at inilabas noong Setyembre 9, binaligtad ng Supreme Court ang 2018 ruling ng Sandiganbayan na humatol kay Imelda na guilty sa pitong bilang ng graft kaugnay ng kanyang umano’y financial interests sa pitong Swiss foundations.
Ayon sa Korte Suprema, nabigo ang prosekusyon na mapatunayan ang kanyang guilt beyond reasonable doubt.
Noong 2018, hinatulan ng Sandiganbayan si Imelda ng anim hanggang 11 taong pagkakakulong sa bawat count, ngunit hindi siya nakapagsilbi ng prison sentence.
Tinanong din si Marcos kung maaaring makaapekto ang desisyon sa pagpili ng susunod na Chief Justice, ngunit itinanggi niyang may anumang koneksiyon ang dalawang usapin.
“That will never enter our thinking in any way,” aniya. RNT