CORON, Palawan — Limang araw matapos masunog ang MV June Aster, hindi pa rin natutukoy ang kinaroroonan ng kapitan ng barko, bagama’t sinabi ng operator nitong Atienza Interisland Ferries Inc. na naniniwala silang nakaligtas ito.
Ayon kay Dindo Macalinao, HR generalist ng kumpanya, nais din ng management na magpakita ang kapitan ngunit wala silang impormasyon sa kasalukuyang lokasyon nito.
“Kagaya ng gusto ninyong mangyari, gusto din namin, on behalf of management, na magpakita na si Captain,” ani Macalinao sa isang ulat.
Tiniyak naman ng kumpanya na nakikipagtulungan ito sa mga awtoridad sa imbestigasyon at nagbibigay ng tulong sa mga pamilya ng mga biktima. Ayon dito, 60 pamilya na ang nabigyan ng accommodation, pagkain, transportasyon at financial assistance.
Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard ang sanhi ng sunog na ikinasawi ng 76 katao.
Sinabi ni PCG Technical Support Team head Commodore Geronimo Tuvilla na nakakuha na ang mga imbestigador ng mga specimen, litrato at iba pang materyales mula sa loob ng barko na isasailalim sa laboratory examination.
Sinusuri rin ang fuel, structural components at debris upang matukoy kung saan nagsimula ang apoy at bakit mabilis itong kumalat.
Hindi pa lubusang napapasok ang cargo hold dahil binaha ito at kailangang bombahin muna ang tubig. Ilang survivor umano ang nagsabing doon nagsimula ang apoy at may narinig silang pagsabog, ngunit hindi pa ito kumpirmadong sanhi ng insidente.
Nagpadala rin ang pamahalaan ng karagdagang personnel upang mapabilis ang DNA at dental identification ng mga nasawi.
May 15 biktima pa ring naka-confine sa Coron District Hospital at Culion Sanitarium and General Hospital. Mary Anne Sapico