BULACAN — Umakyat ng 149 porsiyento ang suspected leptospirosis cases sa Bulacan ngayong taon, dahilan para paigtingin ng pamahalaang panlalawigan ang monitoring at preventive measures sa mga lugar na binaha.
Ayon sa Provincial Health Office-Public Health, nakapagtala ang lalawigan ng 394 suspected cases mula Enero 1 hanggang Setyembre 5, kumpara sa 158 kaso sa kaparehong panahon noong 2025.
Sa kabuuang bilang, 232 kaso ang naitala sa loob lamang ng nakalipas na dalawang linggo. Apat na pagkamatay na rin ang nakumpirma.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Meycauayan City na may 58, kasunod ang San Jose del Monte na may 47 at Malolos na may 39.
Iniuugnay ng health officials ang pagtaas ng kaso sa mga nagdaang bagyo at habagat na nagdulot ng malawakang pagbaha.
Nagpakalat na rin ng karagdagang doxycycline at iba pang gamot sa mga city at municipal health offices at pampublikong ospital.
Hinimok ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang publiko na huwag balewalain ang mga sintomas at agad magpakonsulta, lalo na kung nalantad sa baha.
Naipapasa ang leptospirosis kapag ang sugat o balat ay nalantad sa tubig na kontaminado ng ihi ng hayop, partikular ng daga. Kabilang sa sintomas nito ang lagnat, pananakit ng kalamnan at ulo, pananakit ng binti at pamumula ng mata.
Pinapayuhan ang publiko na iwasang lumusong sa baha at gumamit ng proteksiyon tulad ng bota kung hindi ito maiiwasan. Mary Anne Sapico